Monday, August 03, 2009

"Isang Pagtanaw sa Pagpanaw ng Kulay Dilaw"

Matagal-tagal din ako nawala dito sa blogosphere, dahil sa pagiging abala sa school. At ngayo'y nagbabalik. Pauna ko nang sasabihin ang pasasalamat sa mga sumusuporta sa amin sa mga proyekto naming ginagawa katulad ng Research at sa kapana-panabik na pagsabak namin sa Advertising Festival sa Manila. Tyaka na ako magkukwento tungkol sa mga ito. Sa ngayon, ginulat ako nang isang malamig na balita... pumanaw na si former President Cory Aquino. At gusto kong ialay ang una kong blog ngayong Agosto para sa kanya. Isang pagdadalamhati sa kanyang pagkawala.

Hindi pa ako isinisilang nang magkaron ng People Power sa EDSA noong 1986, pero dama ko ang malaking ambag n'ya sa akin, sa atin, sa buong Pilipinas. Hindi natin maikakaila ang tinatamasa nating kalayaan mula sa diktatorya. Narito na ngayon ang demokrasya. Isa ako sa madaming Pilipino na sinakop ng kanyang Demokratikong Konstitusyon noong 1987. Isa ako sa mga Kabataang isinilang sa panahon nang kanyang panunungkulan bilang presidente. At isa ako sa milyong-milyong mga tao na naapektuhan ng kanyang paghimlay. Lahat ng sinimulan niya ay naging malaking bahagi ng kung ano tayo ngayon sa ating bansa. Isang hindi malilimutang bahagi ng kasaysayan ng mga Pilipino ang kanyang pagpanaw.

Bakit ako apektado? Dahil isa akong Pilipino. At ipinagmamalaki kong isa akong Pilipino. Masakit siyempre pag nawala ang isang mahalagang taong nakikita mong nabubuhay na lumikha ng malaki sa kasaysayan na ginagamit natin ngayon. Si Cory yun. N'ung una, iniisip ko dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas, bakit hindi na lang sa ibang bansa ako isinilang? Sa bansang masagana at mapayapa. Ngunit natauhan ako unti-unti habang nagkakaisip bilang isang batang Pinoy. Namatay si Francis M. Isang masakit ding pangyayari para sa akin. Isa din kasi siya sa nagmulat sa akin sa pagiging Pilipino mula sa kanyang mga kanta. At ngayon, si Cory. Hindi ko maiwasang lumuha habang pinapanood ko ang coverage sa tv sa kanyang pagkawala. Bigla-bigla na lamang dumadausdos ang mga luha ko. Magkahalong lungkot at tuwa ang nananaig sa aking damdamin. Lungkot dahil sa kanyang pagkamatay, at tuwa dahil sa isa ako sa mga Pilipinong pinagmamalasakitan n'ya hanggang sa huli. Sabi nga niya sa isang panayam, "Ako'y nagpapasalamat sa inyong lahat, at lalong lalo na sa Panginoong Diyos na ginawa Niya akong isang Pilipino dahil talagang karangalan ko 'yon na maging katulad ninyo." At dahil dito mas lalo talaga akong humanga sa kanyang kababaang-loob at sa pagiging simpleng tao.

Simpleng tao na malakas maka-impluwensya. Ganyan ko s'ya nais ilarawan. Tulad ni Francis Magalona, isa siyang malaking inspirasyon para sa akin. Mula sa pagiging maybahay, hindi siya natakot humarap sa mga bantang nakapaloob sa kanyang tinahak na landas. Sabihin man nating na-udyukan siya dahil sa mga nangyayari sa bansa, lalo't higit sa kanyang pamilya noong panahon ng Martial Law, ay naniniwala ako na isang PANININDIGAN ang nakapaloob sa isang Cory Aquino. Madami nga ang nagsasabi na matibay ang dating pangulong Aquino. Kinaya niya ang mga pagsubok na pinapasa-Diyos niyang lagi habang ginagawa niya ang kanyang makakaya. Sa kabila nito, isang ina na mapang-unawa at maalalahanin ang malambot na katangiang masarap alalahanin kay Pres. Cory. Ehemplo nga talagang maituturing. At kung hindi mamasamain ng iba, naisip ko lamang na maaari siyang maging santa. Hindi lamang dahil sa pagiging madasalin niya at pagka-mabanalin, higit pa ang pagmamahal niya sa kapwa niya't pagiging malapit sa Diyos. Instrumento siya ng Ama sa langit upang magkaisa ang bawat isa sa atin. 'Yun nga lang, sa pagkakaroon ng Cancer sa Colon ang naging daan upang mangyari ito. Naalala ko lang ulit si Francis M. Hindi ba't Cancer din ang naging dahilan ng kanyang paglisan? Cancer sa dugo. Sa dalawa kong idolo, hindi sila nagkakalayo sa adhikain hanggang sa sanhi ng pagkamatay.

Ika-isa ng Agosto, 2009. Alas tres disi-otso ng madaling araw. Habang nahihimbing ako at ang aking kapatid sa aming bahay... isa pa lang masamang panaginip ang bubungad sa aming paggising. Sa totoo lang, 'ni minsan 'di ko pa nakikita ng personal si Cory, o kahit sinong pangulo ng bansa. Pero sa lahat ng mga naging pangulo ng Pilipinas... si Cory ang pinaka-pipitagan kong presidenteng aking nakilala sa aklat ng kasaysayan. Sa iilang pahinang patungkol sa kanya, d'un ko siya nakasalamuha. Para sa akin, hindi ko kailangang makausap o makita si Cory para makilala ko s'ya ng lubusan. Tama na sa akin ang mga nagawa niyang mabuti na nakikita ko naman ngayon at napapakinabangan. Kundi dahil sa kanya, wala tayo ngayong tinatawag na demokrasya. Sapat na ang naitulong niya sa akin. Masaya ako sapagkat Pilipino ako, at namana ko ang kalayaang pinamana ng nag-iisang Corazon Aquino.

Sana sa susunod na marinig ko ang mga awiting ito:
Handog ng Pilipino sa Mundo (EDSA Revolution theme song)
Sumasampalataya Ako, Dahil Nakilala Ko Kayo (Ryan Cayabayab)
hindi na muling gugulong ang mga luha sa aking mga pisngi. Sa kababawan ng luha at pangungulila sa Ina ng Demokrasya sa Asya, patuloy na magiging inspirasyon ko ang kanyang pagkatao hanggang sa makilala ko na nang tuluyan sa kabilang buhay si Cory Aquino.

Ito ang aking pagsaludo sa babaeng nakadilaw na sumisigaw sa gitna ng EDSA ng pagbabago. Panalangin ko ang kapayapaan ng bansang Pilipinas at nang katahimikan ng iyong kaluluwa. Kagitingan ka ng buong mundo!